Edward: Buhay at Kamatayan sa Iisang Silid

By MHERYLL GIFFEN L. ALFORTE
photo taken from Scout Magazine

ANG OSPITAL ay isang lugar kung saan ang linya sa pagitan ng buhay at kamatayan ay lumalabo. Ang mga okyupante nito ay mayroon nang isang paa sa hukay o kaya naman ay natataningan na ang buhay. Ngunit para naman sa isang binatilyo, ang ospital ay nagsilbing palaruan at saksi sa kanyang mga pagsubok.

Sa direksyon ni Thop Nazareno, ang Edward ay isa sa mga pelikulang kalahok sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival ngayong taon. Inilalarawan nito ang malupit na katotohanan tungkol sa pampublikong ospital at sistemang pangkalusugan ng bansa sa pamamagitan ng paglalahad ng kuwento mula sa pananaw ng isang binatilyong nanirahan sa ospital bunga ng kahirapan at pagpapabaya.

Umiikot ito sa buhay ni Edward (Louise Abuel), isang binatang napilitang mag-alaga sa kanyang sakiting amang si Mario (Dido dela Paz), matapos silang talikuran ng kanyang nakatatandang kapatid na si Renato (Manuel Chua). Dahil sa hindi magkalapit ang mag-ama, binalewala ni Edward ang kanyang mga responsibilidad. Sa halip na mag-alaga sa amang maysakit, mas pinili niyang gumala at tumulong sa iba’t ibang dako ng ospital. Dito niya nakilala si Agnes (Ella Cruz) na isa ring pasyente. Itong pagtatagpo ang siyang nagtulak sa kanya na palakihin ang lakas ng loob at daigin ang kanyang mga limitasyon.

Sa paglalarawan ng tagpuan, higit na nakatulong ang tuloy-tuloy na narrative shot. Makikita ito sa simula kung saan ipinapakita ang mga nagkukumpulang pasyente sa isang maliit na silid. Mapapansin din ang pagkuha mula sa malapitang anggulo upang maipakita ang emosyon at reaksyon ng karakter sa bawat eksena tulad na lamang ng eksena kung saan ipinahayag ni Edward ang nararamdaman niya para kay Agnes. Ang mga nagamit na pagkuha rito ay siyang nagbubunyag ng malagim na larawan tungkol sa  kondisyon ng mga pampublikong ospital sa kasalukuyan.

Mahahalatang mahusay ang pananaliksik sapagkat makatotohnanan ang mga pangyayari sa pampublikong ospital sa pelikula. Mula sa mga masisikip at maruming silid hanggang sa pakikitungo sa mga pasyente base sa kanilang katayuan sa lipunan. Ito ay nakikita kung saan inuna ng isang doktor ang kusinero ng congressman sa halip na agapan ang mas nanganganib na pasyente.

Salungat naman sa malungkot na kalagayan ng silid-ospital ang malugod at masayahing personalidad ni Edward. Kitang kita ito lalo na sa mga interaksyon niya at ng kanyang kaibigang si Renz (Elijah Canlas). Ang kanilang mga biruan, bagama’t di naaangkop sa kanilang kapaligiran, ay nakahuli sa kiliti ng mga manonood at nagpapagaan sa mga sensitibong tema ng palabas, tulad na lamang ng kamatayan.

Ayon sa pelikula, halintulad ang pampublikong ospital sa isang pook digmaan kung saan lahat, hindi lamang mga pasyente, ay lumalaban para sa kanya-kanyang buhay. Bukod sa nananaig na sakit, nandiyan din ang kakulangan ng sapat na sahod at angkop na kagamitan na dahilan kung bakit nakokompromiso ang kalidad ng pangangalaga. Bukod dito, ipinapakita rin ng Edward na ang saya at sakit ay laging magkatali at magkasama — na ito ay laging bahagi sa paglalakbay ng isang tao anuman ang edad. F

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us