ANG UTAK ay may makapangyarihang papel sa pang araw-araw na pamumuhay ng tao. Pinamamahayan ito ng sari-saring boses na tumutulong upang maintindihan ang mga hindi inaasahang kaganapan sa kaniyang kapaligiran. Bagama’t ito ay nakadisenyo ayon sa kaniyang pangangailangan, maaari pa rin itong talaban ng mga panandaliang pagkakataon ng panghihina o pagkabalisa na siyang nagdudulot ng kaguluhan sa isipan.
Sa panunulat at direksyon ni Sophia Eugenio, ang dulang Kisapmata ay tungkol sa istorya ni Alex, isang estudyanteng binabagabag ng mga boses sa kaniyang isipan. Hango sa teorya ni Sigmund Freud ukol sa pag-iisip ng mga tao, nabigyang katauhan ang id, ego, at superego sa pamamagitan ng mga boses ng konsiyensiya ni Alex na sina Kyle (id), Sam (ego), at Lucy (superego). Kalimitan mang nagtatalo, silang tatlo ang nagsisilbing gabay ni Alex sa mga desisyon niya sa pang araw-araw na buhay.
Bilang unang produksyon ng Artistang Artlets sa panahon ng pandemya, kalugod-lugod ang pagtatangghal ng Kisapmata na kanilang ipinamalas sa pamamagitan ng Facebook live.Sa kabila ng mga limitasyon na dala ng online setting, nagawa nilang paraan para mabigyan ng buhay ang dula. Makikita ito sa paggamit nila ng iba’t ibang kulay ng ilaw habang nagsasalita sina Kyle, Sam at Lucy. Ang puwesto rin nila sa taas ng screen ay nakatulong magbigay diin sa papel nila bilang parte ng konsensya ni Alex.
Kaugnay sa tema tungkol sa isipan ng mga tao, naipakita mula sa karakter ni Alex ang paghihirap ng mga taong pinupuna ng kanilang pag-iisip sa mga oras ng pag-iisa. Ang temang ito ay napapanahon dahil karamihan sa mga tao ngayon ay kalimitan na nag-iisa buhat ng kasalukuyang pandemya. Ang lumbay na kasama ng pagkakabukod sa mga mahal sa buhay ay nagbibigay daan sa panghihimasok ng mga masalimuot na kaisipan sa isang tao.
Naipakita rin ang malubhang epekto ng walang humpay na pambabagabag ng mga boses kay Alex. Mahusay ang pagsasatao sa nangyayari sa utak ng isang tao. Ang pagsasapawan ng mga boses ng konsenya ni Alex ay nagsisilbing representasyon ng minsa’y magulong mekanismo ng pag-iisip ng tao.
Sa kabilang dako, kahit na ang pag-angkop ng sikolohiyang konsepto sa dula ay masasabing kakaiba, hindi maipagkakaila na ang kwentong naibahagi ay may bahid ng kalituhan.
Sa simula ay matagumpay na naipamalas ang konseptong ito sa dula sa pamamagitan ng mahusay na pagganap ng mga aktor, ngunit sa kalaunan ay naudlot ang tuloy-tuloy na paglalangkap ng mga tauhan sa kanilang mga orihinal na karakter.
Patungo sa huling bahagi ng dula, isiniwalat na ang tatlong karakter na bumubuo sa konsensya ni Alex ay siya ring tumatayo bilang kaniyang pamilya. Tinaguriang ‘ama’ at ‘ina’ sina Kyle at Lucy nila Sam at Alex. Ang biglaang pagpasok nito ay maituturing nakakalito sa mga manonood. Bukod pa rito, sa huling eksena ay ipinahiwatig na may nakaraang hidwaan sa pagitan ni Lucy at Kyle. Dahil hindi ito nabigyan ng sapat na paliwanag sa simula, maaaring makadagdag pa ito sa nakalilitong takbo sa kwento.
Isa pang kahinaan sa dula ay ang mabagal na pag-usad ng kwento. Higit sa kalahati ng dula ay nakalaan sa paulit-ulit na pangungutya ni Lucy at Kyle kay Alex sa kaniyang paraan ng pag-aaral. Matapos nito ay mayroong matatagpuan na kahon si Alex sa kaniyang likod at ito ang magsisilbing katalista ng kwento. Hindi matagumpay ang dula sa pagpapakita ng build-up sa pagdaos ng pasidhing parte ng kwento. Sa halip ay pinasok na lamang ito sa dulo upang magkaroon ng interaksyon ang mga tauhan sa utak ng bida at madala ang kwento patungo sa karurukan nito.
Gayunpaman, nagawang maipamalas ng Kisapmata na hindi mapagkakaila ang matulin na takbo ng isip ng tao. Sa isang kisapmata ay may panibagong darating na ideya o palaisipan na kailangang pagtuunan ng pansin. Ngunit, kahit totoo man ang dami at bilis ng mga boses na tumutulong sa kaguluhan ng isipan, nararapat na alamin kung ano lamang ang dapat pakikinggan. Sa pamamagitan nito, maaaring matuklasan ang kapayapaan ng isipan na kay hirap makamtan. F