Gintong Anay

Photo by Trixcy Anne Loseriaga/THE FLAME

 

O bata, bata

Tingnan niyo ito

‘Di ba ang gaganda nila?

Marami pa akong palamuti sa bahay namin

Ano ba ang gusto niyo—pula, asul, o baka naman

Mga ginto! 

 

O ayan, bagay sila sa inyo

Nakatutuwa naman kayong mga bata

Basta tahimik lang kayo ha

Baka mamaya magsilabasan ang mga langgam.

Naku! Nakasisilaw pa naman ang dala nilang abubot,

Lalo na yung mga ilan na akala mo’y pinaglihi sa arawan!

 

Halina’t lumapit kayo sa aking tabi

Hindi ako katulad ng aking mga kinakapatid

Alam ko ang pighating inyong dinaranas ngayon

Huwag kayong mangamba

Hindi ko babahiran ng dumi ang makinis kong balat

Mataboy lang ang mga hayop sa aking lungga.

 

Nakikita ba ninyo ang mga larawang nakasabit sa porselana

Sila ang aking mga anak.

Pagmasdan ninyo!

Ang mga Magnasco, Degas, Monet, at Canaletto!

Mga obrang kahit ibenta ang kaluluwa ng iyong mga apo,

Hindi ninyo kailanman makakamtan.

 

Matagal kong inasam ang magkaroon ng sariling anak

Ngunit pinagkait nila ito sa akin 

Naninikip ang dibdib ko tuwing naaalala ko

Ang mga panahong pinagtabuyan nila ang aking pamilya

Alam ba ninyo kung gaano kasakit?

Na mas masahol pa kami sa mga peste sa imburnal.

 

Nalulugmok akong lisanin silang lahat

Halos hindi ko na nga mabilang ang aking mga supling.

Paano ba naman, pinasok kami ng mga langgam!

Para silang mga anay na ‘di magkandaugaga sa kakahuyan

Konting kibot lang,

Magdadakdak na parang mga manok na putak nang putak!

 

Ngayon ko lang napagtanto,

Bakit siya ang aking napili?

Saglit ko lang nakasiping ang kasuklam-suklam kong asawa 

Pero batalyon na ang aming mga kitikiti—ang sipag!

Sa ganda kong ito, natali lamang ako sa kanya nang gano’n gano’n lang?

Sayang, gwapo pa naman yung mga pinaglumaan ko…

 

Aba, ako lang naman

Ang Rosas ng Tacloban

Ang lakambini ng Maynila

Isa sa pinakaakakit-akit na dilag

Magpasalamat na lang kayo at may oras pa akong makihalubilo sa inyo…

O ano, tumahimik kayo ngayon?

 

Samahan ninyo ako rito sa hardin

Tara, marami kaming mga putahe rito

Huwag kayong mahiya

Marami kaming nakaimbak na tinapay mula sa ibang partido

‘Wag na ninyo alamin kung sino…maliwanag?

O ‘di ba, may pasalubong kayo para kina nanay at tatay.

 

Lubusin na ninyo ang mga biyayang handog namin

Wala nga lang lasa pero hindi naman kayo magrereklamo, ‘di ba?

Mahirap kumilos nang gutom, kailangang kumayod

Masakit mamatayan ng magulang sa murang edad

Ang daming bayarin, pero hindi ko na kayo sasagutin

Maganda ako, hindi martir 

 

Hanggang sa ibang bansa nga

Umaabot ang aking maningning na presensya

Naloloka na nga sila sa aking marangyang kasuotan

Hindi ko naman sila masisisi,

Dapat nakaterno, kahit saan man ako mapadpad

At baka ako’y mahimatay pa sa nakasusuya nilang pananamit

 

Alam kong nakikita ninyo ako sa telebisyon

Aba, sinong hindi mabibighani sa alindog ko?

Kita naman ninyo ang suot kong takong,

Mas mahal pa ito sa buhay ng isang langgam.

Pero huwag natin aapakan,

Kung wala sila, wala rin ang hardin.

 

Gabi na pala, mga bata

Oras na para ipamalita sa inyong mga magulang

Ang mga bagong kaalaman mula sa akin

Tandaan niyo na laging bukas ang aking tahanan

Para sa mga bumubuhay sa hardin.

Aalis na muna ako, ang iyong minamahal na gintong anay. F

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us