NANUMPA SA tungkulin nitong Lunes ang mga bagong opisyal ng Konseho ng mga Mag-aaral ng Sining at Panitik (ABSC) na naglalayong mas mapalapit sa mga Artlet sa pamamagitan ng kanilang mga isasagawang proyekto.
Sinabi ni Ysabella Gabrielle Marasigan, presidente ng konseho, na nakabatay ang mga proyekto nila sa adbokasiyang “live and share the Artlet experience,” matapos ang kanilang pormal na panunumpa sa harap ni katuwang na dekano Narcisa Tabirara.
Kasama niyang nanumpa sa tungkulin sina Bise Presidente-Panlabas Jacob Israel Basilio, Bise Presidente-Panloob Shaira Joyce Javier, Kalihim Mariele Carissa Embestro, Auditor Brian Earl Leshen, at Public Relations Officer Jan Krianne Pineda.
Hindi nakadalo sa panunumpa ang ingat-yaman na si Rana Mae Dizon.
Ayon kay Marasigan, nais ng buong konseho na maging kaisa ang mga Artlet.
“We want to live with the Artlets. Gusto naming malaman nila na ang ABSC ay hindi lamang event organizers, pero [kami ay] talagang nandito para suportahan sila,” ani Marasigan. “We all have different experiences but all our experiences make our Artlet community.”
Mas bibigyang-pansin din ng konseho ngayong taon ang mga kampanyang magbibigay kaalaman at kamalayan sa mga Artlet ukol sa mga pangyayari sa lipunan at sila mismo ang lalapit sa mga mag-aaral upang hikayatin ang mga itong makiisa sa kanilang mga adbokasiya.
Ito ang maghihiwalay sa kasalukuyang ABSC mula sa nakaraang konseho dahil sa ganitong paraan, maiiwasan ang paggamit ng pondo para sa mga magagastos na proyekto at malalaking kaganapan, paglilinaw ni Marasigan.
“We want to put the money of the Artlets into good use,” aniya.
Sa kabila ng naiwang bitak sa relasyon ng mga Artlet at ng mga nakaraang konseho dahil sa pagkawala ng pondong nagkakahalaga ng P50,000 at pagkakaantala ng pamimigay ng mga Type-B uniform, sinabi ni Marasigan na sila ay magiging mas “transparent,” “open,” at patuloy na makikipagtulungan sa administrasyon ng Fakultad upang hindi na maulit pa ang mga naranasang isyu.
“Gusto naming makita ng mga Artlet na nandito kami na pwede ninyong lapitan,” wika niya.
Siniguro rin niyang ipagpapatuloy nila ang layuning mas mapabuti ang serbisyo ng ABSC.
Matatandaang nakuha ng partidong politikal na Dekada ang lahat ng posisyon sa konseho sa nakaraang lokal na eleksyon noong Abril. F KRYSTAL GAYLE R. DIGAY