
HINDI NAMAN mahirap pakisamahan ang batang si Alex, pero napag-iiwanan siya kapag nakikipag-usap sa kanyang mga kaibigan.
Ayon sa mga magulang ni Alex, tuwing nakikipaglaro at nakikipagdaldalan ang 11-taong gulang na bata sa kaniyang mga kalaro, madalas itong nahuhuli pagdating sa konteksto ng mga biro.
“Nahihirapan siyang makipagkaibigan dito, kasi ang mga bata sa amin hindi nag-i-Ingles,” ani ng ama niyang si JP Jayson Tabios sa The Flame.
Magkaiba ang inang wika ng mga magulang ni Alex — isang Tagalog at isang Aklanon. Kaya, noong ipinanganak si Alex, napagpasiyahan ng mag-asawang gamitin ang wikang Ingles sa bahay para hindi malito ang bata.
Unti-unting hinubog ng kompromisong ito ang pag-iisip at pakikisalamuha ni Alex. Maliwanag ang naging epekto nito sa pagsasalita ng bata.
“I only know one word in Aklanon, and it’s hard for me to pronounce,” pag-amin ni Alex.
(Isang salitang Aklanon lamang ang alam ko, at nahihirapan akong bigkasin ito.
Tunog pilit naman ang pagsasalita niya ng Tagalog kahit nag-aaral siya ng asignaturang Filipino.
“Po, teacher… po,” minsang sinabi ni Alex.
Para sa kanyang ama, isa itong palatandaang hindi ganap na nahubog ang bata sa wikang Filipino.
“Wala naman kasing direct translation ang ‘po’ ‘pag nasa Ingles. Hindi niya talaga gagamitin sa context (kontektso) na ‘yun. Kaya pag ginamit niya ‘yun, sobrang misplaced (wala sa lugar),” ani Tabios.
Sa bahay naman nina Danica Ann Miguel, isinasantabi rin ang pagsasalita ng wikang Filipino para mas mapadali ang komunikasyon sa kanilang apat-na-taong-gulang na anak na si Lukas. Pati ang mga simpleng reaksyon na mas naaangkop sa Filipino ay kailangan pa niyang isalin para lang maintindihan ng bata.
“Very guilty (Nakokonsensya) ako doon na kahit minsan gusto ko siyang Tagalugin, in-English ko talaga siya kasi alam kong ‘yun ‘yung mas madali para sa amin,” wika ni Miguel.
Babad sa Ingles
Ayon sa isang pag-aaral na inilathala noong 2025, itinuturing ng ilang mga magulang na isang “modern way of babysitting” ang YouTube Kids, lalo na noong kasagsagan ng pandemyang dulot ng COVID-19. Ayon sa pag-aaral, nagsisilbing madaling solusyon para sa mga magulang ang pagkababad ng mga bata sa screen habang nakikipagbuno sila sa trabaho.
Kumbinsido ang mga magulang tulad ni Miguel na may magandang naidudulot ang pagpapalaki sa mga anak gamit ang internet. Ayon sa kanya, kabisado na ni Lukas ang mga alpabeto, numero, pangalan ng mga bansa at kontinente bago pa siya magdalawang taon kapapanood ng mga online videos.
“May Russian! Gusto kasi ng anak ko ‘yun. Pati Spanish. Kumakanta na siya ng Russian alphabet. Ngayon, pinapapili na namin siya [ng pinapanood] basta hindi harmful (masama) sa kanya,” sabi ni Miguel.
Bagama’t hirap si Lukas sa pagbuo ng mga pangungusap sa Filipino kapag nakikipag-usap sa ibang tao, naiintindihan naman daw niya ang konteksto at ang mismong sinasabi ng kaniyang mga kausap, ayon sa kanyang ina. Subalit, sa Ingles lang talaga nito naipapahayag ang kaniyang sarili.
“Kung iisipin, ‘yung mga nalaman naman ng anak ko na hindi ko tinuro, ‘yung mga planeta at kung anu-ano pa, hindi ko pa malalaman sa edad niya… Naniniwala din kasi ako na times are changing. [Talagang] malaki ang difference na wala nang media ngayon na available sa Filipino o Tagalog,” ani Miguel.
“Para talaga siyang [pagkababad sa online videos] double-edged sword (bagay na may epektong mabuti at masama) na kailangan lang talagang kontrolin.”
Para sa kanya, hindi problema ang pagka-Ingglisero ng kanyang anak. Aniya, nag-ugat ang problema sa unti-unting pagkawala ng pambansang wika sa araw-araw na pakikipagtalastasan.
“I think (Sa tingin ko) hindi ‘yon ‘yung problema na nahihirapan [ang anak ko] mag-Filipino. Ang problema is kung bakit nabubura ‘yung Tagalog sa komunidad,” wika ni Miguel.
“Hindi siya dahil may [choice] ako,” dagdag ng ina.
‘Manikang de susi’
Matapos ang anim na taon ng homeschooling, ngayon pa lamang nakikihalubilo nang harapan sa kaniyang mga kaklase si Alex. Nasa kindergarten pa lamang kasi ang bata noong sumapit ang pandemya. Imbes na nagbabad sa araw o nakihalubilo sa mga kapwa bata, nababad ang bata sa kanyang gadget.
Tinaguriang mga “digital natives” ang mga batang tulad ni Alex na ipinanganak mula 2013 hanggang 2026. Kabilang sa Generation Alpha na pamilyar sa mga birong “skibidi,” “scooba” at “6-7” ang mga kagaya niya.
Ibang-iba ang mga nakagisnan nilang panoorin kumpara sa mga palabas na kinalakihan ng kanilang mga magulang na nasa wikang Filipino. Marami sa mga millennials na mga magulang na ngayon ang pinalaki ng mga Tinagalog na cartoons gaya ng “Princess Sarah” at “Cedie” at ng mga programang edukasyonal gaya ng “Batibot,” “ATBP,” “Sineskwela” at “Math-Tinik.”
Para sa mga musmos na lumaki sa kasagsagan ng makabagong teknolohiya, mas naging “relatable” ang wikang Ingles, ayon kay Jade Harley Bretaña, tagapangulo ng Departamento ng Sosyolohiya sa UST.
“[Youtube, Netflix and Tiktok] yung always na-expose dito eh, that’s why na-adapt din nila yung napapanood nila,” wika ni Bretaña.
Nang malimitahan sa mga sulok ng tahanan ang mundo ni Alex dahil sa pandemya, ang mga YouTube videos na lamang ang nagsilbing mga kalaro niya. Ilan sa mga nakatuwaang subaybayan ng mga batang tulad ni Alex noong pandemya ay ang mga toy unboxing videos, family reviews at skits sa YouTube.
Isa sa mga madalas niyang panooring channel noon ay ang Ryan’s World, na mistulang naging unang guro niya sa pagsasalita ng Ingles. Inilarawan ni Tabios ang kaniyang noo’y pitong-gulang na anak bilang “hooked” sa nasabing toy review channel.
“Sa mga unang taon talaga [ng pandemic], sa YouTube siya nakakukuha ng kung paano siya magsalita at ng thought processing (paraan ng pag-iisip) niya. ‘Yung [punto ng pananalita] minsan parang mga animated [characters],” wika ni Tabios.
Sa paggaya ng mga bata sa mga ekspresyon ng kanilang mga napapanood, tila nagiging “manikang de susi” na raw ang mga ito, ayon kay Mark Anthony Angeles ng Departamento ng Filipino ng UST.
“Pati ang pag-iisip at pag-uugali ng mga paboritong karakter ng mga bata ay nagagaya na rin nila… Kaya pati ang mga pamamaraan ay lihis o wala sa ating mga tradisyonal na kaugalian,” saad ng guro sa The Flame.
Dagdag ni Angeles, isang mananaliksik at manunulat na nagkamit ng Gawad Palanca, may simbiyotikong ugnayan ang wika at kultura, tulad na lamang ng paggamit ng “po” at “opo” na nagpapakita ng paggalang sa kulturang Filipino.
Colonial mentality
Para sa iba, hindi lamang lumalabas ang wikang Ingles kapag Inggliserong bata ang kinakausap nila. Ayon kay Miguel, nagiging isang “natural response” na rin ng mga matatanda ang kausapin sa Ingles ang kahit sinong bata.
“Question (Tanong) ko rin ‘yun eh — ba’t tayong mga adults (may gulang), parang kahit sinong bata ‘yung kaharap mo ngayon, i-Englishin mo na kaagad, hindi mo sila Tatagalugin, parang ganoon,” aniya.
Ipinaliwanag ni Bretaña na itinuturing ng mga Pilipino ang wikang Ingles bilang “linguistic capital,” o bentahe na nagbibigay prestihiyo, kaya talamak ang paggamit nito.
“English is considered as the medium of the language of the educated. Parents in schools often encourage children to speak English… And it’s a sign of intelligence or sophistication,” saad ng sosyolohista sa isang panayam ng The Flame.
(Itinuturing ang Ingles bilang wika ng mga edukado. Madalas ding hinihikayat ng mga magulang at paaralan ang mga batang magsalita sa Ingles, na para bang tanda ito ng talino o pagiging sopistikado.
Noong Pebrero 2025, ipinatupad ng Pamantasan ng Cabuyao, Laguna ang kontrobersyal na English-only policy. Ayon sa institusyon, ang patakaran ay makatutulong para maging mas “globally competitive” ang mga estudyante. Binatikos ng maraming Pilipino ang polisiya dahil marka raw ito ng mas mataas na pagtingin sa mga banyaga.
Isa pang repleksyon ng nasabing pananaw ay ang paniniwalang napag-iiwanan ang mga batang mas sanay sa Filipino at mas matalinong pakinggan ang mga kalaro nilang Ingglisero.
Bakas din ng pagkiling sa Ingles ang tinatawag na “conyo,” ang pamamaraang pananalitang pinaghalong Filipino at Ingles na madalas marinig sa mga estudyante, lalo na sa mga pribadong paaralan, ayon kay Bretaña. Dito raw nakikita kung paano napalalaganap ng mga paaralan ang pangingibabaw ng Ingles sa mga siyudad samantalang nananatiling matatag ang mga lokal na wika sa pang-araw-araw na pamumuhay sa Visayas at Mindanao.
“Speaking this way signals privilege as much as bilingual ability. (Ang ganitong paraan ng pagsasalita ay hindi lamang nagpapakita ng kakayahang maging bilingguwal). [‘Yung pagsasalita] ng Taglish, is therefore both a marker of identity and a reminder of inequality (samakatuwid ay parehong tanda ng pagkakakilanlan at paalala ng hindi pagkakapantay-pantay) Ibig sabihin hindi ito ang lenggwahe ng mga nasa laylayan ng lipunan,” dagdag ni Bretaña.
Isang “ilusyon” daw ang pag-iisip na mas mataas ang paggamit ng wikang Ingles kaysa sa Filipino, ayon kay Asst. Prof. Alvin Reyes, kalihim ng Konsehong Tagapagpaganap ng Pambansang Lupon sa Edukasyong Pangkultura, isang komiteng nasa ilalim ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining o NCCA.
“English is training us to be consumers only. (Sinasanay tayo ng Ingles na maging mga konsyumer lamang) Nagko-consume ka lang ng kaalaman… Kasi kung totoo na ang Ingles ang susi sa ating ekonomikong paglago, bakit mahirap pa rin tayong bansa by 2026?” saad ni Reyes sa The Flame.
“Parte pa nga rin ‘yan ng colonial mentality natin. Wala tayong tiwala sa potensyal ng sarili nating wika. Kasi iniisip natin, pangkaswal o [sa] chismisan [lang ginagamit ang Filipino]… [Iniiisip mo na] wala siyang masyadong economic benefits para sa iyo.”
Diskonek
Bakas sa report card ni Alex ang bunga ng pagiging isang Inggliserong bata.
“May panahon talaga na bumagsak siya doon sa asignaturang Filipino. ‘Pag English, naman sobrang taas,” ayon sa kanyang ama.
Nasa ikalimang baitang na si Alex ngayon ngunit ayon kay Tabios, hindi pa nito gamay ang pakikipag-usap sa kanyang inang wika.
Para sa iba, kahit kumapit na sa dila nila ang wikang Ingles, hindi tumatagos ang nilalaman ng mga salita nito sa kanilang isipan.
Napansin ng guro sa unang baitang na si Rosa-Liza Napaton na hindi nauunawaan ng kanyang mga estudyante ang ilan sa mga istorya, teksto o mga simpleng tanong niya sa klase.
“‘Pag tinanong ko naman sila tungkol sa Filipino, hirap… Very slang (Sobrang balbal) lang sila eh. Pero ‘pag tinanong mo ng something (isang bagay) na English, ang gulo na. Parang napu-pause [ang estudyante]. Hindi niya na alam kung ano ‘yung isasagot. Walang pag-uunawa,” sabi ng gurong taga-Navotas.
Sa loob ng mahigit isang dekada, isa sa mga naging paraan ng Kagawaran ng Edukasyon upang maikabit ang pagkatuto ng mga bata sa kanilang inang wika ay ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE). Unang ipinatupad ang MTB-MLE mula kindergarten hanggang ikatlong baitang noong 2012 bilang parte ng malawakang pagsasatupad ng K to 12 Education Program.
Ayon sa Republic Act 10533, o ang Enhanced Basic Education Act of 2013, inang wika ng mga mag-aaral ang gagamitin sa pagtuturo at mga pagsusulit sa kindergarten hanggang ikatlong baitang. Kabilang sa 19 na wikang saklaw ng MTB-MLE ang Tagalog, Cebuano, Ilocano, Hiligaynon o Ilonggo, Bikol, Waray, Kapampangan at Pangasinense, pati na rin ang Filipino sign language.
Subalit noong 2024, tinanggal ng gobyerno ang MTB-MLE at opisyal na ginawang pangunahing wikang panturo ang Filipino at Ingles simula school year 2025-2026. Sa pagbabagong ito, naging auxiliary o pantulong na lamang ang mga katutubong wika.
Ngunit para sa ilang gurong katulad ni Napaton, kahit may mga batas nang inilalapit ang aralin sa wikang mas pamilyar sa mga bata, hindi pa rin maiiwasan na magpalipat-lipat sa Filipino at Ingles tuwing nagtuturo.
Ibinahagi ni Napaton na may mga aralin at terminong mahirap isalin sa Filipino kaya ginagamit niya na lang ang parehong wika sa isang pangungusap upang hindi malito ang mga bata.
“‘Yung test sa Math at ibang periodical test nila [ay] Tagalog kaya kailangang magta-Tagalog ka. As a teacher, (bilang guro) tinatranslate din namin para hindi literal na Tagalog lahat at hindi sila mahirapan,” saad ng guro.
“May mga textbooks kasi na hindi akma para doon sa kakayahan ng bata — outdated (luma). ‘Yung teacher [dapat maging] resourceful (madiskarte) para ma-adapt niya ‘yung makabagong panahon.”
Ayon sa datos ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), mababa sa 2% ng mga mag-aaral na nasa Grade 10 at 1% ng mga nasa Grade 12 sa bansa ang maituturing na “proficient” o mahusay base sa 2024 National Achievement Test (NAT). Kabilang sa mga tinitingnan ng NAT ang kakayahan ng mga estudyante sa Mathematics, Science, English, Filipino at Araling Panlipunan.
Ayon kay Asst. Prof. Elenita Mendoza ng Departamento ng Filipino ng UST, bunga ito ng kakulangan sa konteksto ng banyagang wika sa mga batang Pilipino na nagpapabagal ng kanilang pagkatuto.
“Kasi tinuturuan sila ng wika na hindi nila naiintindihan [nang] sabay na itinuturo ang mga konsepto sa wikang hindi nila naiintindihan,” saad ng propesor sa The Flame.
“Nadi-disconnect ang bata sa kung ano ang nararanasan niya sa araw-araw. Ang dating no’n sa bata ay kinakabisado niya lang ‘yung konsepto pero hindi niya naiintindihan.”
Ipinaliwanag ni Bretaña na may mga pagkakataong nawawalan ng kahulugang pangkultura ang ilang salita kung ito ay sapilitang isinasalin sa ibang wika kahit wala itong direktang kahulugan. Ayon sa sosyolohista, nakadepende sa ideya at pangkulturang konteksto kung paano isasalin ang isang bagay mula sa dayuhang konsepto.
Dayuhan sa sariling komunidad
Upang mapalapit sa wikang Filipino si Alex, binabawasan muna ng kanyang mga magulang ang kanyang screentime at pinanonood siya ng isang pelikulang Pinoy kada linggo. Minsan, umaayaw na ang bata kapag nakakadalawang Filipinong programa na siya.
“When he was younger, we tried to control ‘yung mga pinapanood niya. Parang we had an agreement before that we would need to watch one Tagalog movie, kahit may subtitles… and then he would tell me what he learned doon sa Tagalog movie… para lang may exposure siya sa nagsasalita ng Tagalog. Ako at husband ko kinakausap siya ng Tagalog,” ani Tabios.
(Noong mas bata pa siya, sinubukan naming kontrolin ang mga pinapanood niya. Nagkaroon pa kami noon ng kasunduan na kailangan niyang manood ng isang pelikulang Tagalog, kahit may mga subtitle, at pagkatapos ay ikuwento sa akin ang mga natutuhan niya mula rito. Para lang magkaroon siya ng exposure sa wikang Tagalog at makarinig ng mga taong nagsasalita nito. Ako at ang asawa ko, kinakausap namin siya sa Tagalog.)
Wala namang masama kung dalawang wika ang ginagamit ng mga mag-aaral sa araw-araw hangga’t hindi isinasantabi ang Filipino, giit ni Reyes.
“Hindi naman natin kailangang pumili [sa Ingles at Filipino]. Hindi siya choice between the two. Pagbaliktarin lang natin yung levels of priority (antas ng prayoridad). Ang Pilipino ang una nating iprayoridad at ang English ang sumunod,“ wika niya.
Ayon sa mga eksperto, isa sa mga nakatutulong humubog ng tiwala ng bata sa kanyang sarili ang wika. Kailangan daw ng mga magulang ipakilala ito sa mga maliliit na bahagi ng araw-araw nilang pamumuhay
“Children who learn first in their mother tongue develop stronger literacy, self-esteem, and cultural identity. So, losing Filipino proficiency risks alienating young people or the children from their heritage and weakening collective identity,” sambit ni Bretaña.
“Filipino shapes identity and values in ways English cannot fully replace… So, without this, this nation really cannot exist,” saad ni Bretaña.
(Mas may karunungan at pagpapahalaga sa sarili at sa kultura ang mga batang unang natututuhan ang kanilang inang wika. Kaya kung hindi mahuhubog ang kakayahan ng mga bata sa Filipino, nanganganib silang mawalay sa komunidad at maging dayuhan sa sarili nilang pagkakakilanlan sa komunidad. Hinuhubog ng wikang Filipino ang pagkatao at prinsipyo sa paraang hindi kayang mapalitan ng wikang Ingles. Kaya kung wala ito, hindi mabubuhay ang bansa.
Ang kailangan lang daw upang mapalapit pa sa wika ang mga batang Pilipino ay ang maipakita sa kanila ang “merito” ng kanilang pagkakakilanlan at hikayatin silang angkinin ito, saad ni Reyes.
Subalit para kay Prof. David Michael San Juan, pinuno ng Pambansang Komite sa Wika at Salin, isa ring komiteng nasa ilalim ng NCCA, kakailanganin pang pag-igihan ang pag-akit sa mga kabataan sa paggamit ng wikang pambansa.
“Unfortunately, I don’t think there’s enough high-quality Filipino materials to help reverse the trend. So, Filipino content creators will have to level up and increase the number of their content,” ani San Juan sa isang panayam ng The Flame.
(Sa kasamaang-palad, sa tingin ko’y kulang pa ang dekalidad na materyal sa Filipino upang mabago ang ganitong kalakaran. Kaya kailangang pagbutihin ng mga content creator na Filipino ang kanilang ginagawa at dagdagan pa ang nililikhang content sa sariling wika.)
“Sa pagsasama ng pagiging malikhain at digital accessibility… masisiguro rin na ang wikang Filipino at mga kulturang pagpapahalaga ay mananatiling sentro sa pag-aaral at libangan ng mga bata.
Dagdag ni Bretaña, hindi dapat nakasalalay sa batas ang maalab na paggamit ng mga Pilipino sa sarili nilang wika, sapagkat sa puso ng kultura ng bansa at sa pagiging makabansa at makatao ito nakaugat.
“Sustaining the Filipino language requires not only strong education policies but also everyday practices that normalize it as a language of intellect, creativity, and belonging,” aniya.
(Ang pagpapanatili ng wikang Filipino ay hindi lamang nakasalalay sa mga polisiya sa edukasyon, kundi pati na rin pagsasabuhay nito bilang wika ng karunungan, pagkamalikhain at pakikipagkapwa.)
Sa isip, sa salita at sa gawa
Nagsisimula man bilang mga Ingglisero ang ilan sa mga kabataan ngayon, tiwala ang ilang eksperto at mga magulang na hindi ito ang magbibigay hugis sa kanilang pagkatao.
Anila, ang mahalaga para sa mga bata ay ang makita nila ang kanilang mga sarili sa komunidad at magabayan sila sa paggamit ng wika nito.
Paliwanag ni Mendoza, gagawa at gagawa ang mga bata ng paraan para makipag-usap sa kanilang mga kalaro.
Naniniwala naman si Napaton na mas mahalaga sa mga bata ang ugali ng kanilang mga kasalamuha, magaling man sila mag-Ingles o hindi.
“Hindi big deal (malaking bagay) sa [mga estudyante ni Napaton] na ‘yung batang ‘to nakaka-English… Ang kagandahan [sa mga bata], madaling disiplinahin at turuan,” kuwento ng guro.
“Wala naman sa wika ‘yung kahit na magaling kang mag-Ingles o magaling kang mag-Tagalog, mag-Filipino, basta kailangan lang maging mabuting tao at magalang sa iba.”
Ayon kay Bretaña, magbago man ang mga tradisyon ng bansa, nakatahi sa wikang Filipino ang pagpapahalaga at paraan ng pamumuhay ng mga Pilipino. Dagdag pa niya, walang makapapalit sa papel na ginagampanan nito sa paghubog ng pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
Umaasa ang ama ni Lukas na si Noel na darating din ang oras na gagamitin ng bata ang kanyang inang wika nang walang pag-aalinlangan.
“Lalabas din ‘yung Tagalog ni Lukas at a certain time of his age. Kumbaga, ‘yung community niya Tagalog pa rin eh. Paglabas niya Tagalog pa rin. Ganoon lang ‘yung nakasanayan niya, English, pero hindi niya matatakasan yung Tagalog,” saad niya. F
