KUNG hindi lang siguro nag-atubili sa pagpapatupad ng mga kinakailangang hakbang, malapit na sana tayo sa dulo.
Hindi na sana nagtitiis sa gutom ang mga pamilya ng libu-libong Pilipino na nawalan ng trabaho. Papatag na sana ang kurba at hindi na nadadagdagan ang bilang ng nasawi.
Upang aliwin ang sarili, dinukot ko sa bulsa ang cellphone. Nangibabaw muli ang galit nang mabasa ko ang mga pahayag sa ilalim ng isang trending na hashtag; ako ay nagsimulang magtipa nang sumagi sa isip ang paalala ni mama.
Isang mahinang haluyhoy ang namutawi sa aking bibig bago ito binalik sa bulsa. Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong sinindak ng walang katapusang banta ng pag-aresto.
“Maliit ka lang,” laging sermon ng aking ina, “walang laban sa mga nasa taas ang mga estudyanteng katulad mo. Kayang-kaya kang ipadampot.”
Oo, maliit lang ako.
Ngunit hindi ko man matutumbasan ang kanilang kapangyarihan, hindi lang ako ang mag-isang lumalaban.
Marami kaming nag-aalab sa galit; sa halip na maglapag ng konkretong plano at alokasyon ng bilyun-bilyong pondo, pananakot at pagpapatahimik sa kritiko ang laman ng mensahe na gabi-gabi hinahatid sa kwadrado.
Isang malawakang protesta ang nakaamba kung ang mga Pilipino ay nasagad na.
Muli kong binuksan ang aplikasyon at hinalungkat ang tinipang opinyon sa drafts.
“hindi dahas ang solusyon sa problemang kinakaharap natin ngayon. bigas, hindi bala. tulong medikal, hindi militar. #serbisyohindipasismo”
Pagkatapos basahin nang dalawang ulit, pinindot ko ang “send tweet.”
Balang araw, maiintindihan din nila na may dahilan ang pangangalampag ng taong bayan. F DENISSE P. TABOR